-- Advertisements --

Aminado ang pamunuan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na mataas ang kaso ng POGO at Casino related kidnappings ngayong taon habang bumaba naman ang kaso ng legitimate kidnapping activities.

AKG maj. rannie lumactod
PNP AKG spokesperson Maj. Rannie Lumactod

Pero dahil sa ipinatupad na lockdown at isinailalim sa community quarantine ang buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic, natigil din ang pagdukot na may kaugnayan sa POGO at casino.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PNP AKG spokesperson Maj. Rannie Lumactod kaniyang sinabi na ang dahilan sa paglobo ng POGO at casino related kidnappings ay ang pagbuhos ng presensiya ng mga banyaga sa bansa lalo na ang mga Chinese.

Sinabi ni Lumactod nagsipagpuntahan sa Pilipinas ang mga banyaga mula China, Malaysia, Indonesia at Vietnam dahil sa ipinatutupad na visa upon arrival ng Bureau of Immigration (BI).

Kinumpirma ni Lumactod, may mga modus din ang mga operators ng illegal POGO kung saan iniengganyo ng mga ito ang kanilang mga biktima ng mataas na sahod, libreng board and lodging at iba pang mga perks.

Pero pagdating dito sa Pilipinas iba na ang ibinigay na trabaho at kapag umalma ang mga biktima dito na nila kinukulong at hinihingan ng ransom ang mga kaanak na nasa ibang bansa.

Pero dahil sa pandemic at pinalakas na operasyon ng Anti Kidnapping Group natigil na rin ang pagkidnap ng mga banyaga maging ang aktibidad ng legitimate kidnapping activities sa bansa.

Marami sa mga biktima ang na-rescue at mga suspeks na naparusahan.

Sinabi ni Lumactod, naubos na rin ang mga kidnapping syndicate dahil sa kanilang walang tigil na operasyon kung saan nahuli na nila ang mga lider at miyembro ng mga kidnapping syndicate.

Nag-divert na rin daw sa iba pang illegal activities ang mga sindikato gaya ng
gunrunning, robbery at gun for hire.

Siniguro naman ni Lumactod, na sa pamumuno ni AKG Dir. B/Gen. Jonnel Estomo lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga kidnap for ransom groups at maging ang mga POGO at casino related kidnappings.