-- Advertisements --

Tinitingnan ng Department of Social Welfare and Development at ng Pasay City LGU na i-convert ang dating Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa lungsod ng Pasay at gamitin bilang processing center para sa Oplan Pag-abot program ng ahensiya.

Maliban sa processing center, maaari din umanong magamit ang limang palapag na pasilidad bilang transient shelter para sa mga mamamayang nakatira sa mga kalsada bago sila pabalikin sa kanilang probinsya.

Ang Oplan Pag-abot ng DSWD ay isang programa kung saan tinutulungan ang mga nakatira sa kalsada na bumalik sa mga probinsiya kung saan sila nanggaling, kasabay ng pagbibigay sa kanila ng sapat na tulong at livelihood.

Una rito ay nagsagawa ng inspection ang kalihim kasama si Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano sa naturang pasilidad.

Kung mangyayari ito, pinaplano ng ahensiya na gawin itong child-friendly center, tayuan ng medical clinic, at processing area kung saan maaaring isagawa ng mga social workers ang trabaho katulad ng profiling, interviews, assessment, atbpa.

Maaari ding magsilbing registration center ang bahagi ng pasilidad para sa Philippine Identification System o PhilSys ID ng mga tutulungang indibidwal.

Sa kasalukuyan, mayroong animnapung inidibidwal ang nakatira pansamantala sa naturang pasilidad na dating naninirahan sa lansangan at tinutulungan ng ahensiya.

Noong huling kwarter ng 2023 ay unang sinalakay ng mga otoridad ang naturang POGO hub at natuklasang ito ay ginagamit sa iba’t-ibang kriminalidad katulad ng sexual trafficking, prostitution, kidnapping, atbpa.

Batay sa ulat noon ng Department of Justice(DOJ), siyam na mga dayuhan ang nasa likod ng naturang pasilidad at ang operasyon nito bilang isang POGO hub.