-- Advertisements --

Nadiskubreng ginagawang pugad o taguan ng mga puganteng dayuhan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs na ipinagbawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz.

Karamihan umano sa mga pugante ay Chinese nationals na ginagamit ang mga pasilidad ng POGO bilang kanilang hideout.

Isang patunay dito ang 13 puganteng Chinese na kasama sa 403 dayuhang inaresto sa ikinasang raid sa One Wheels condominium building sa Pasay City.

Ang naturang mga pugante ay may kasong may kaugnayan sa illegal gambling at fraud.

Sinabi ng PAOCC na natunton din nito ang 3 Chinese national na may direktang kaugnayan sa mga nakaraang high-profile anti-POGO operations na isinagawa sa Smart Web Technology sa Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Kayat kung titignan, sa halos lahat ng mga ni-raid na POGO may mga nadadakip na wanted persons.

Bagamat nilinaw ng opisyal na hindi lamang mga puganteng Chinese ang natatagpuan sa mga sinalakay na POGO kundi may mga wanted din mula sa ibang mga bansa.

Gayunpaman, inamin ng opisyal na posibleng mas maraming Chinese fugitive ang kanilang nahahanap dahil karamihan sa mga POGO worker na kanilang naaresto ay mga Chinese din.