LEGAZPI CITY – Kabit-kabit na isyu na umano ang nakapaloob sa usapin sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) outlets sa bansa na dapat nang maimbestigahan ayon sa Makabayan bloc ng Kamara.
Kahapon nang ihain ng grupo ang House Resolution 221 na nilalayong matalakay sa House committees on gaming and amusement at good government and public accountability ang paglipana ng mga POGO outlets at ang epekto nito sa ekonomiya at seguridad ng bansa.
Paliwanag ni Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ilan sa mga POGO outlets o hubs ang ipinosisyon malapit sa mga himpilan ng puwersa ng pamahalaan.
Hindi aniya maalis ang pagdududa ng ilan katulad na lamang ng dating resort sa Cavite na ginawang POGO hub na malapit sa naval station.
Ayon kay Zarate, batid na dapat ng bansa na hindi lamang sa ekonomiya agresibo ang China sa kasalukuyan, kundi maging sa aspetong militar.
Bukod pa sa nabanggit, kinwestiyon din ni Zarate kung tama ang buwis na binabayaran ng mga ito gayundin ang ilang isyu sa human trafficking at ilan pang social issues.
Giit pa ng mambabatas na dapat na maging mabusisi at maingat ang Pilipinas, at hindi pawang tanggap ng pangako lamang ang ginagawa.