Ibinabala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang tinawag nitong Philippine Offshore Gaming Operators o POGO politics dahil maaari umanong suportahan ng ilang indibidwal ang mga kandidato sa 2025 midterm elections.
Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio, ang mga POGO ay operational pa rin at posibleng sumusuporta sa mga kandidato para sa darating na halalan kahit na ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa operasyon.
Sinabi din ng opisyal na mayroon pa ring ilang POGO na patuloy na nag-o-operate at nagha-hire pa ng mga karagdagang empleyado kahit na sila ay dapat na huminto na sa operasyon at magsara sa pagtatapos ng taon tulad na lamang sa isang POGO hub na ni-raid kamakailan sa Pasay City.
Ginawa ng PAOCC official ang pahayag kasunod ng paguumpisa ng filing ng COCs ng mga kakandidato kung saan isa sa mga sangkot umano sa ilegal na operasyon ng POGO at criminal syndicates na si dismissed Bamban Mayor Alice Guo ay nakatakdang maghain ng kaniyang kandidatura.