Nabunyag na dating Chinese police officer ang umano’y top boss ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga na si Duanren Wu.
Kinumpirma din ito ni Cassandra Li Ong, ang Whirlwind Corporation stakeholder at kinatawan ng POGO hub na Lucky South 99, sa pagtatanong sa kaniya ni Committee on Dangerous Drugs chair Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers sa isinagawang ikaapat na joint public hearing ng House Quad Committee nitong Miyerkules.
Sinabi din ng mambabatas kay Cassy Ong na base sa kanilang nakalap na impormasyon ang kaniyang dating boss ay may madaming bad records sa China subalit sinabi naman ni Ong na hindi niya alam na may rekord ang kaniyang dating boss.
Maaalala na nauna ng sinabi ni Ong na kaniyang ninong si Duanren Wu na bestfriend naman ng kaniyang inang Chinese.
Samantala, ginisa din ni Cong. Barbers si Cassy Ong kung saan galing ang perang in-invest ng kaniyang mga partner sa pagpapatayo ng mga gusali ng POGO sa Porac at diretsahang tinanong kung hindi kaya galing ito sa drugs o sa money laundering. Tugon naman ni Ong na nakakasiguro siyang hindi ito galing sa drugs o sa money laundering.
Samantala, ini-excuse naman sa pagdinig ng House Quad Committe si Ong at dinala sa ospital matapos makaramdam ng pagkahilo dahil sa pagbaba ng kaniyang blood pressure sa 80/40 matapos siyang suriin. Ayon sa medical staff ng House, maaaring ito ay sinyales ng hypotension.
Samantala, naniniwala ang mga mambabatas na mahalaga ang mga testimoniya ni Ong sa isinasagawang pagdinig ng Kamara para ma-establish na ang Whirlwind at Lucky South 99 ay iisang kompaniya lamang.
Nauna na kasing itinuro ng resource person na si Stephanie Mascarenas na naunang nagtrabaho kay Ong sa Whirlwind Corporation na si Duanren Wu ang parehong boss ng Whirlwind at Lucky South 99.
Kinumpirma din ni Mascarenas ang pahayag ni Cassandra Ong na ang Whirlwind ay isang realty company na nagpaupa ng gusali sa Lucky South 99 na nadiskubreng nagpapatakbo ng mga POGO.