CAUAYAN CITY – Napigilang makapasok ang nasa 17 POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) workers at dalawang police escort sa Santa Ana, Cagayan.
Galing umano ang mga ito sa Metro Manila pero naharang sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) checkpoint ng mga otoridad sa bayan ng Sta. Ana.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Col. Ariel Quilang, provincial director ng Cagayan Police Provincial Office, sinabi niya na ang mga nagtangkang pumasok sa nasabing lugar ay lulan ng dalawang truck na may mga kargang essential goods and commodities at personal protective equipment (PPE) na ido-donate sa Santa Ana-local government unit na kinumpirma naman ng kanilang punong bayan.
Kasamang naharang sa checkpoint ang nagngangalang Benedict Wong, 39-anyos namanager ng Eastern Hawaii Casino; kasama ang mga hinihinalang POGO workers at dalawang police scort.
Nagpasya ang Inter-Agency Task Force na papasukin sa Sta. Ana ang dalawang delivery truck kasama ang apat na driver at si Benedict Wong dahil sa sakay na basic commodities at PPE.
Habang ang 17 tao na balak ipasok sa Santa Ana na kinabibilangan ng isang Vietnamese na kawani ng Eastern Hawaii Casino at 16 na Pilipino na karamihan ay mula sa lalawigan ng Bulacan ay pinabalik sa kalakhang Maynila makaraang kunan ng mga pangalan at personal na mga impormasyon.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 11332 in relation to enhanced community qurantine laban sa kanila.