-- Advertisements --

Nakatakdang ipa-deport ang mga nasa mahigit 190 na mga POGO (Philippine Offshore Gaming) workers pabalik sa China ngayong araw, Disyembre 5.

Ang mga naturang mga POGO workers na ipapadeport ay nagmula sa mga POGO hubs sa Pasay, Cebu, Tarlac at Pampanga na na-raid ng mga awtoridad. Ito ang bilang ng mga workers na na-raid sa mga POGO hubs:

122 workers mula sa 3D Analyzer sa Pasay
57 workers mula sa Tourist Garden Hotel sa Lapu-Lapu City, Cebu
11 mula sa Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac at SmartWeb Technology sa Pasay at Clark, Pampanga

Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz, sila ay madedeport dahil sa paglabag sa mga batas na may kinalaman sa imigrasyon.

Dagdag pa niya na ang iba pang mga nahuli ay mga wala pang dokumento kaya naman paglabag din ito sa kanilang “condition of stay”.

Pagdating sa China, ang mga POGO workers ay iimbestigahan patungkol naman sa pagkakasangkot sa mga online scamming na aktibidad.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI) inaaasahan ng kanilang tanggapan na nasa 20,000 pa na mga POGO workers na umalis bansa sa mga susunod na araw.

Kaugnay nito, matatandaan na nagpaalala na rin ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga POGO workers na hanggang ngayon ay nasa bansa pa rin, na kusa ng umalis ng bansa bago ang Disyembre 31, 2024 dahil aasahan na sa pagpasok ng taon, mas papaigtingin ng gobyerno ang mga operasyon pagdating sa mga ilegal na POGOs sa bansa.