-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) na ginagamit ngayon ng mga sindikato ng ilegal na sugal ang mga Pilipino para sa kanilang scam hubs sa ibang bansa.

Ayon sa BI, matapos ipagbawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) noong 2024, lumipat ang operasyon ng mga ito sa ibang bansa at sinimulang rekrutin ang mga Pilipino, lalo na ang mga call center agents.

Nag-aalok umano ang mga POGO ng mataas na sahod—umaabot sa P50,000 kada buwan—para sa diumano’y customer service jobs sa ibang bansa. Ngunit pagdating doon, napupunta sila sa scam hubs kung saan kinukuha ang kanilang passport at pinipilit silang magtrabaho.

Karaniwan silang idinadaan bilang turista sa Thailand bago ilipat sa Cambodia, Myanmar, o Laos sa pamamagitan ng lupa o dagat. Ang mga hindi nakakatugon sa quota ay sinasaktan o pinagbabayad ng malaking halaga—humigit-kumulang P400,000—para makalaya.

Samantala, kahit ipinatupad na ang POGO ban noong Enero 1, 2025, may maliliit pa ring ilegal na operasyon sa Pilipinas, karamihan ay nasa gated communities at condominiums.

Nakikipag-ugnayan na ang Pilipinas sa mga karatig-bansa upang labanan ang ilegal na rekrutment at human trafficking.