Bumuslo ng 28 points si Roger Pogoy upang bitbitin ang TNT KaTropa tungo sa 127-89 paggiba nila sa Blackwater Elite sa 2019 Philippine Cup nitong Sabado, Marso 9.
Gumawa rin ng panibagong mga PBA record ang KaTropa kung saan naitala nila ang longest run sa pagsisimula ng quarter sa kasaysayan ng liga.
Nagpakawala kasi ng 26 dikit na puntos ang TNT sa pag-uumpisa ng huling yugto upang makamit ang 116-72 bentahe.
Nagtawag pa ng dalawang timeout ang Elite sa nasabing quarter ngunit hindi ito nagbunga dahil naipasok lamang nila ang una nilang puntos sa fourth noong nalalabing 4:48.
Paliwanag ni TNT coach Bong Ravena, mas pinaigting daw nila ang kanilang depensa sa second half matapos hayaan ang Blackwater na umiskor ng 34 points sa loob lamang ng second quarter.
“We were not happy because they scored 34 points in the second quarter. So during halftime we told them that we have to stay control and locked in on defense,” wika ni Ravena. “I’m glad they were able to pull through. Yun lang ang story.”
Sa hanay ng Elite, nabalewala ang 20 points na ipinoste ni Mike Digregorio, maging ang 13 ni Allein Maliksi.
Narito ang mga iskor:
TNT 127 – Pogoy 28, Cruz 20, Rosario 17, Reyes 14, Trollano 11, Semerad 9, Taha 8, Heruela 6, Casino 5, Carey 4, Williams 2, Castro 2, Bono 1.
Blackwater 89 – Digregorio 20, Maliksi 13, Banal 9, Al-Hussaini 8, Belo 8, Sena 6, Jose 6, Desiderio 5, Sumang 4, Javier 4, Dario 3, Cortez 2, Tratter 1, Eriobu 0.
Quarters: 19-11, 56-45, 90-72, 127-89