-- Advertisements --

Bukas umano ang tahanan ng komedyanteng si Pokwang para kay Miss Universe Myanmar Thuzar Wint Lwin.

Ito’y sa gitna ng mga report na manganganib na ang buhay ng beauty queen lalo’t tinakasan lang pala nito ang custom officials para makarating ng Florida sa kanyang laban sa Miss Universe.

“.. para sa iyo miss Myanmar 🙏🏼 halika muna sa aking bahay papakainin kita ng roasted chicken at laing ni Mamang,” ang tweet ng 50-year-old comedianne.

Sinasabing hindi napansin ng Myanmar border security ang pag-alis ni Thuzar dahil sa ito ay nakasuot ng hoodie at dark sunglasses, at ipinadala ang kanyang national costume sa pamamagitan ng isang international courier company pero ito ay napaulat na nawala.

Ang Miss Myanmar ang ginawaran ng best in national costume para sa inirampang “Fearless Empress” kahit hindi iyon ang kanyang original na isusuot pero nakapukaw sa puso ng nakararami ang statement nito na “pray for Myanmar.”

Usap-usapan din na naglabas na ng arrest warrant laban sa kanya nang malaman ng military junta ang pagtakas niya.

Una na nitong ibinunyag na ang Myanmar ay nasa ilalim ng pamumuno ng militar mula pa noong February 2021 kung saan maraming nagaganap na kilos-protesta at mga sibilyan na nagbubuwis ng buhay para mabawi ang demokrasyang inagaw sa kanila.

Katunayan ay aktibo siya sa mga kilos-protesta sa kanilang bansa at ginagamit niya ang social media para kondenahin ang naganap na kudeta.