Itinalagang bagong hepe ng primary investigation arm ng Philippine National Police (PNP) na Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Police Maj. Gen. Leo Francisco.
Ito ay kasunod na rin ng ikalawang balasahan ng police officials mula ng manungkulan bilang Philippine National Police (PNP) chief si Gen. Rommel Francsico Marbil noong nakalipas na buwan.
Pinalitan ni Francisco si Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr. na itinalaga bilang bagong commander ng Area Police Command-Northern Luzon.
Hahalili naman sa binakanteng posisyon ni Francisco bilang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) chief si Brig. Gen. Matthew Baccay.
Si Major General Francisco ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1992.
Bago ang kaniyang pagkakatalaga bilang bagong CIDG chief, nagsilbi din si Francisco bilang director ng Manila Police District at regional director ng Police Regional Office VI.