ILOILO CITY – Plano ng ruling Law and Justice party sa Poland na magsagawa ng referendum at bumoto kung tatanggapin ang libu-libong asylum seekers na nakapaloob sa European Union relocation mechanism.
Kinumpirma ni Polish prime minister Mateusz Morawiecki na ang nasabing referendum ay isasagawa sa Oktubre kasabay ng parliamentary elections.
Ayon kay Bombo Neva Intrepido-Kessler, international correspondent sa Warsaw, Poland, dinadahilan ng Polish government na nakatanggap na ito ng higit isang milyong war refugees mula sa Ukraine at hindi na makayanan pang tumanggap ng karagdagang migrants.
Ang mga migrants na ito ay mula sa Europa na wala umanong authorization.
Napag-alamang maliban sa Poland, isa rin ang Hungary sa tutol sa proposed migration at asylum reform na ibabase sa mandatory solidarity rule.
Base kasi sa proposal ng European Union, ang lahat ng member countries na hindi tatanggap ng asylum seekers ay babayad ng multa na €20,000 o 1.2 million pesos bawat refugee na hindi tatanggapin.