-- Advertisements --
POLE VAULTER OBIENA

Nakadagit na ng puwesto sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan ang Pinoy pole vaulter na si EJ Obiena.

Ayon kay Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) president Philip Ella Juico, nagtala si Obiena ng 5.81 meters sa isang kompetisyon sa Chiara, Italy, dahilan para lampasan nito ang 5.80 qualifying standard sa men’s pole vault para sa Olimpiyada.

Sa sandaling kumpirmahin ng International Amateur Athletics Federation (IAAF) ang nasabing marka, magiging bahagi si Obiena sa 2020 Olympics bilang isang qualifier.

Nanguna naman ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga nagparating nang pagbati sa malaking karangalan na hatid ni Obiena.

Una nang nakapasok ang Pilipinas sa athletics ng Olympics sa pamamagitan ng universality places kung saan papahintulutan ang isang bansang walang kuwalipikadong mga atleta na magsabak ng isang lalaki at isang babaeng kalahok.

Nasilayan na rin si Obiena sa ISTAF Berlin kung saan nagrehistro ito ng 5.50 meters, at sa IAAF Diamond League sa Zurich, na naglista naman ng 5.58 meters.