Bababa na umano sa kanyang puwesto ang hepe ng pulisya sa Atlanta, Georgia kasunod ng pamamaril-patay ng isang pulis sa isang black man nitong Sabado (Manila time).
Ayon kay Atlanta Mayor Keisha Lance Bottoms, ito raw ay pasya mismo ni Police Chief Erika Shields, pero mananatili pa rin daw ito sa siyudad sa hindi pa tukoy na tungkulin.
Uupo naman bilang interim police chief ng siyudad si Rodney Bryant.
Samantala, apela rin ni Bottoms ang pagsibak sa officer na dawit sa krimen, na nangyari sa Wendy’s restaurant sa Atlanta.
Una rito, batay sa lumabas na surveillance video, tinutukan umano ng isang lalaki ng Taser gun ang isang Atlanta police officer bago ito barilin ng nasabing pulis sa parking lot ng naturang fast food chain.
Natukoy ng Georgia Bureau of Investigation (GBI) ang biktima na si Rayshard Brooks, 27-anyos, na isang African American.
Nag-ugat ang insidente sa natanggap na tawag ng mga pulis tungkol sa isang laalking natutulog sa naka-park na sasakyan sa drive-thru lane ng restaurant, dahilan para umikot pa sa ibang daan ang mga kustomer.
Binigyan daw si Brooks ng field sobriety test ng pulisya, ngunit bumagsak ito.
Matapos nito, pumalag at nanlaban umano si Brooks sa mga otoridad, at inagaw ang Taser ng mga pulis.
Nakatakbo pa raw si Brooks ng ilang metro bago lumingon at itutok ang Taser sa pulis, ngunit dito na raw bumunot ng baril ang officer at pinaputukan ang biktima.
Bagama’t naisugod pa si Brooks sa ospital, dito na ito nalagutan ng hininga. (CNN)