-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na sa PNP Custodial Center na sa loob ng Kampo Crame magpapalipas ng gabi sina Police Supt. Maria. Cristina Nobleza at ang Abu Sayyaf boyfriend nito na si Rennour Lou Dongon na ekperto sa paggawa ng bomba.

Hindi na iprinisinta sa mga miyembro ng media sa Kampo Crame ang dalawa dahil agad itong isinailalim sa tactical interrogation.

Bandang alas-10:00 ng umaga kanina ng dumating ang dalawa mula sa Tagbilaran, Bohol at idiniretso sa headquarters ng Directorate for Intelligence (DI) kung saan isinagawa ang tactical interrogation.

Ayon kay Dela Rosa, bukod sa interogasyon, aayusin na rin ang kasong administratibo na isasampa laban kay Nobleza.

Inatasan na nito ang PNP Internal Affairs Service na bilisan ang paghain ng kaso laban sa police colonel.

Samantala patong-patong na kasong kriminal ang inihain laban kay Nobleza.

Naniniwala naman ang PNP chief na hindi nalagay sa alanganin ang kanilang kampanya laban sa terorismo dahil sa pakikipag relasyon ni Nobleza sa isang Abu Sayyaf member.

Kinumpirma din ni Dela Rosa na kasalukuyang nasa bansa ngayon ang asawa ni Supt. Maria Cristina Nobleza si SSupt. Alan Nobleza na siyang police attaché sa Pakistan.

Nilinaw ng PNP na walang kinalaman sa pagkaka-aresto sa estranged wife nito ang pagbabalik niya sa bansa.