Iniimbestigahan ngayon ng PNP ang isang Police colonel na siyang may-ari ng farm sa Palayan City, Nueva Ecija kung saan ibinaon ang sunog na bangkay ng biktimang online seller na si Nadia Casar.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso at hindi pa ligtas ang nasabing Police Colonel.
Kasalukuyang hawak ng PNP ang caretaker ng farm na si Dario Aligan Robarios na isa sa makapagbibigay linaw sa kaso.
Base kasi sa impormasyon mula sa imbestigador sa kaso, isang Police Colonel na nakatalaga sa PNP Maritime Group ang may-ari ng nasabing Farm at ang nasabing opisyal ay dating naka-assign sa PRO-3.
Sinabi ni Gen Eleazar, na hindi nakapagtataka na galing sa iba’t ibang Police Stations ang mga Pulis na suspek dahil minsan nang nagkasama ang mga ito sa operation laban sa Illegal Drugs.
May impormasyon din natanggangap si PNP Chief na ilan sa mga Pulis na ito ay sangkot sa On Line Sabong kaya’t naghahanap ng Illegal na paraan para kumita ng malaking halaga ng pera.
Maliban sa pagpatay at pagsunog sa biktimang si Casar, ay ginamit din na pinanghold-up kinahapunan ang sasakyan ng grab driver na sapilitang kinuha sa kaniya .
Pinasusuko na ni Eleazar ang dalawa pang at large na pulis na sina Police Master Sergeant Rowen Martin taga Cabanatuan City Police at Police Staff Sergeant Drextemir Esmundo taga Cabiao MPS at ang sibilyang si Franklin Medina Macapagal alias Kelly
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Police Regional Office 3 Director, BGen Val De Leon, kumikillos na ang iba’t ibang units ng PNP sa pangunguna ng Anti-Kidnapping Group (AKG) upang sila ay mahanap.
Ayon kay De Leon, batay sa inisyal na report ang mga suspek na pulis ay magkakaibigan sa pangunguna ng isang police official na dating naka-assign sa region 3.
Sa ngayon, sinimulan na ng PNP Internal Affairs Service ang summary dismissal proceedings laban limang pulis sa Nueva Ecija na sangkot sa kidnap-slay case sa isang negosyante.