Isasailalim pa sa confirmatory test ng PNP Crime Laboratory ang police colonel na nagpositibo sa iligal na droga matapos maaresto kahapon ng madaling araw na naaktuhang nagpa-pot session sa Las Pinas City.
Ayon kay PNP Crime Laboratory director C/Supt. Aurelio Trampe, bagamat nagpositibo sa iligal na droga si P/Supt. Lito Cabamongan, kailangan pa siyang isailalim muli sa confirmatory test na siyang magiging basehan para sa pagsampa ng kasong administratibo at grave misconduct na dismissal from service ang hatol.
Sinabi pa ni Trampe na inaasahan na sa susunod na linggo kanilang ilalabas ang resulta sa confirmatory test.
Bukod sa confirmatory test, isasailalim din sa neuro psychiatric examination si Cabamongan ng PNP upang mabatid kung may sayad ito.
Una rito nang kausapin ni PNP chief D/Gen. Ronald dela Rosa ang nasabing opisyal tila wala sa wisyo na nakikipag-usap sa kaniyang pinuno at kung an0-ano pa ang mga idinadahilan.
Nang dumating din ito sa Kampo Crame kahapon para sa drug test kaniyang sinabi sa mga miyembro ng media na human rights violation ang ginagawa sa kaniya ng PNP.
Galit na galit naman si Dela Rosa sa nasabing police colonel at tiniyak na masisibak ito sa serbisyo.