Nagsagawa na rin ng parallel investigation ang PNP Internal Affairs Service (IAS) sa insidente ng pananakit ng isang opisyal sa isa nitong tauhan sa Legazpi City.
Ayon kay IAS inspector General Alfegar Triambulo, gumugulong na ang hiwalay nilang imbestigasyon kay Police Colonel Dulnoan Dinamling Jr na nambato ng basag na baso at nakabulag sa kaliwang mata ni Police Master Sgt. Ricky Brabante.
Paliwanag ni Triambulo, incident grave misconduct ang ginawa ni Dinamling at posibleng magresulta ito sa dismissal o pagkakasibak sa serbisyo.
Matatandaan na una nang inatasan ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) sa insidente at binigyan sila ng 1 linggo ni PNP Chief General Dionardo Carlos para magsumite ng resulta ng imbestigasyon.
Sa ngayon, sibak na sa pwesto si Dinamling at ang Police Regional Office 5 Mobile Force Batallion Commander Police Col. Clarence Gomeyac na siyang pasimuno ng inuman sa kampo kung saan nagkaroon ng insidente.