Tiniyak ng pamunuan ng PNP na mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang police colonel na nanakit ng isang PNCO sa Bicol region at mananagot ito sa kaniyang ginawa.
Nitong weekend personal na binisita ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang biktimang pulis na si PMSgt. Ricky Brabante at siniguro ang tulong at suporta ng PNP sa kaniyang paggamot.
Mahigpit na ipina-alala ni Carlos angpagbawal sa pag inom ng alak sa loob ng kampo.
Ayon kay PNP Chief mahaharap sa kaso ang sino mang pulis na maglalakas loob na uminom ng alak gayong matagal na itong ipinagbabawal ng Pangulo.
Inalis na sa pwesto ni Carlos si PRO-5 Regional Mobile Force Battalion Commander Col. Clarence Gomeyac.
Ito’y matapos na magpa inom sa loob ng Kampo bilang selebrasyon ng kaniyang kaarawan.
Sa naturang selebrasyon nawalan ng kaliwang mata ang PNCO na si Brabante nang atakihin ito ni PRO-5 Aviation Security Group Chief Col. Dulnoan Dinamling Jr.
Binato kasi ni Dinamling si Brabante ng basag na baso na tumama sa kaliwang mata nito.
Si Dinamling ay mistah ni Gomeyac na miyembro ng PNPA Class of 1997.
Samantala, hindi pipigilan ng PNP ang pamilya ng PNCO na si Brabante na magsampa ng kasong kriminal laban sa police colonel.
Sinabi ni Carlos, karapatan ng biktimang pulis na magsampa ng kaso.