-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nilinaw ng Police Regional Police XI na accidental ang nangyaring pagputok ng pistola ng isang Patrolman na nagresulta sa pagkamatay ng isang sibilyan.

Ayon kay PROXI Spokesperson Police Major Atty. Eudisan Gultiano, na-relieved na sa serbisyo si Patrolman Ryan Domenise ang suspek na aksidenteng nakabaril-patay ng sibilyan sa Maragusan Sports Complex.

Naisampa na rin ang kasong reckless imprudence resulting to homicide, base sa imbestigasyon na isinagawa ng Maragusan Municipal Police Station. Maliban dito, nahaharap din sa kasong administratibo si Domenise na kasalukuyang nakabilanggo.

Maalalang, naka off duty si Domenise na nakadestino noon sa New Bataan at namasyal lamang sa Maragusan Sports Complex. Nang inilapag nito ang dalang pistola, bigla nalang umanong pumutok ang nasabing baril at natamaan ang isang Cerbando Hinayon, 58 anyos, na dumaan lang ng mga oras na iyon.

Kaagad naman na isinugod sa Davao de Oro Provincial Hospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival, nagtamo ng tama sa noo ang biktima na siyang dahilan ng kanyang agarang kamatayan.