Sinimulan na ang pag-recall ng lahat ng mga pulis na naka-assign bilang security escort ng mga politikong tatakbo sa darating na halalan.
Ayon kay PNP chief Lt. Gen. Dionardo Carlos ang hakbang ay dahil kailangan munang mag-apply ng exemption sa Comelec ang mga politiko at patunayang talagang may banta sa kanilang buhay.
Sinabi ni Carlos, kung may pahintulot na aniya sila mula sa Comelec, ay saka sila bibigyan ng Police Security Protection Group (PSPG) ng security detail.
Paalala naman ng PNP chief sa mga pulis na ma-a-assign sa mga kandidato na ang kanilang papel ay magbigay lang ng seguridad at hindi tumulong sa kampanya.
Binigyang diin ng PNP chief na istriktong pananatilihin ng PNP ang kanilang pagiging “neutral” sa eleksyon.
Nanawagan naman si Carlos sa publiko na isumbong sa PNP kung may makikita silang mga pulis na hayagang mangangampanya para sa sinumang kandidato.
“Katulad ng mga nakaraang eleksiyon, sinisiguro ng PNP ang magiging neutral ang ating mga kapulisan at hindi babahagi sa partisan politics, hinihintay namin ang karagdagang guidelines mula sa Comelec patungkol sa pangangampanya, nagsimula na rin ang pag recall ng mga police officers mula sa mga indibidwal na kumakandidato sa susunod na eleksiyon dahil kailangan muna nila mag-apply ng security exemption sa Comelec upang mapatunayan na ang mga banta sa kanilang buhay at kapag ito ay maaprubahan magbibigay ang PSPG ng protective security sa kanila,” pahayag ni PNP chief Carlos.