Mariing itinanggi ni PRO-4A Calabarzon director Brig. Gen. Vicente Danao na mayroon siyang kamag-anak na sangkot sa operasyon ng iligal na sugal.
Ito ay matapos magpakilala ang isa sa 17 operators ng iligal na sugal sa Cavite noong isang linggo na “kamag-anak” umano siya ng heneral na may apelyidong “Danao.”
Sa panayam kay Danao, sinabi nito na may isang operator silang matagal nang tinutugis lalo noong bagong upo pa siya sa puwesto at gumagamit ng kaniyang pangalan para humingi ng limang milyong piso na pampadulas.
Magugunitang kabilang ang isang Capt. Carling sa 17 mga naaresto ng PNP CIDG sa ilalim ng OPLAN BULILYO noong nakaraang linggo kung saan, nagpakilala itong kaanak umano ni Danao batay sa ipinakita nitong ID gamit ang apeliyedo ng heneral.
Hamon pa ni Danao, iharap sa kaniya ang nagpapakilalang kamag-anak niya at sasampalin niya ito dahil sa paggamit ng kaniyang apelyido sa iligal na gawain na ang layunin lang ay sirain ang kaniyang reputasyon.
Nakahanda naman si Danao na humarap sa anumang imbestigasyon.