Sinibak na sa pwesto ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang hepe ng Eastern Police District (EPD) na si Brig. Gen. Christopher Tambungan na nanakit umano ng isang policewoman.
Ayon kay Eleazar, noong Martes lamang nakarating sa kaniyang opisina ang nasabing insidente kung saan May 12 pa pala nangyari ang pananakit sa may bahagi ng Greenhills, San Juan City.
Ang pagsibak sa pwesto kay Tambungan ay para bigyang daan ang full and impartial investigation na gumugulong na sa ngayon kaugnay sa insidente.
Mismong ang biktima na policewoman Cpl. April Santiago ang naghain ng formal complaint hinggil sa physical and verbal abuse kung saan gabi raw ng May 12, bisperas ng halalan kinompronta umano ni Tambungan ang policewoman dahil hindi nito nagagawa ang kaniyang trabaho.
Sinasabing sa walang kadahilanan binatukan ng heneral ang babaeng pulis sa ulo at sinaktan gamit ang pinto ng kaniyang sasakyan habang minumura nito ng mga masasakit na salita.
Sinabi pa ni Gen. Eleazar na nag-alanganin umanong magsampa ng reklamo ang babaeng pulis laban kay Tambungan dahil baka siya pa ang balikan.
Dahil dito agad nagsagawa ng partial investigation si Eleazar at naniwala naman siya sa alegasyon ni Cpl. Santiago.
Kaya giit nito na ang ginawa ni Tambungan sa policewoman “is unjustified at aksiyon ng isang unbecoming of an officer ng PNP.”
Kasalukuyang mananatili muna sa opisina ni Eleazar sa office of the regional director sa NCRPO si Tambungan.
Habang si Col. Florendo Quebuyen, deputy district director ng EPD ang umupo muna bilang OIC epektibo nitong nakalipas na Miyerkules.
Batay naman sa ulat na nakuha ng Bombo Radyo, reputasyon na umano ni Tambungan ang manakit ng kapwa pulis kaya sinibak din siya sa kaniyang mga previous assignment mula sa Manila Police District, Region 3, Region 4A at ngayon sa Eastern Police District.
Si Tambungan ay nakatakda sanang magretiro sa darating na Disyembre ng kasalukuyang taon.
Inaantay naman ang magiging reaksiyon ni Tambungan sa mga paratang sa kanya at naging hakbang sa pagtanggal sa kanya sa EPD.
Nakatakda ring magbigay ng pahayag si PNP chief kaugnay sa naging aksiyon ni Tambungan.