Matapos ang naging pasabog ni Police Lt. Col. Jovie Espenido sa ginanap na ikatlong serye ng House Committee Hearing laban sa PNP organization, hinamon ngayon ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo si Espenido na maglabas ng matibay na ebidensya sa kanyang mga paratang.
Sa naging pagdinig, sinabi ni Espenido na ang Pambansang Pulisya ay ang pinakamalaking criminal at organized na sindikato sa bansa.
Paliwanag naman ni Col. Jean Fajardo , hindi nila matukoy kung saan nanggaling ang impormasyon at naging nilalaman ng pahayag ng kontrobersyal na pulis.
Giit ni Fajardo, kailangang patutuhanan ito ni Espenido dahil buong organisasyon ang kanyang binabanggit at hindi lang isang opisyal ng PNP.
Sa kabila nito ay tiniyak ng PNP na nakahanda itong umasiste kay Espenido sa paghahain ng kaso laban sa mga tiwaling pulis kung may maipapakita itong matibay na batayan.
Ang alegasyon ni Espenido ay isang malaking hamon naman sa PNP na paghusayin ang pagganap sa kanilang tungkulin at mandato.