Submitted for resolution na ang mga kasong isinampa laban kay Police Lt. Col. Allan Docyogen na nahuli ng Philippine National Police Counter-Intelligence Task Force (PNP-CITF) dahil sa umano’y pangingikil sa isang lalaki sa Baguio City.
Ito ay matapos sumalang si Docyogen sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) sa sala Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva.
Hindi na naghain ng affidavit ang police officer para tukuyin na ng prosecutor na submitted for resolution ang kaso at makagpagpiyansa na ito.
Si Docyogen na chief ng intelligence unit ng Baguio City Police Office (BCPO) ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 6713 o An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at robbery extortion.
Ang suspek ay nahuli kahapon sa Abanao Street, Brgy. Azco sa lungsod ng Baguio matapos makipagkita sa kinikikilan nitong si Alison Aligan.
Batay sa report aabot sa P200,000 ang hinihingi ng police officer sa biktima para hindi na ulit ito arestuhin dahil sa kasong pagnanakaw.
Una na umanong nagbigay ang lalaki ng P47,000 kay Docyogen noong April 12 at kahapon ay kukunin sana ni Docyogen ang karagdagang P50,000 sa nasabing lalaki nang agad na itong arestuhin ng mga otoridad.