-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pamamaril sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang biktima na si Police Major Victorino Pansoy, Hepe ng Provincial Internal Affairs Service ng Davao Del Sur PNP.

Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat PNP Provincial Office na lulan ang biktima sa kanyang minamanehong kulay pula na Toyota Pick-up na may plakang LAA-8902 sa Purok Riverside Brgy Sampao Isulan Sultan Kudarat kasama ang kanyang asawa at anak.

Ngunit pagsapit nito sa Pama Boarding House ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Isulan.

Patay on the spot si Major Pansoy nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Sugatan naman ang anak ni Major Pansoy na agad dinala sa isang pagamutan sa Koronadal City at habang ligtas ang asawa nito.

Sa ngayon ay blangko pa ang Isulan PNP sa pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.