CEBU CITY – Iniimbestigahan ng PNP ang brutal na pagpatay sa isang police officer sa Brgy. Guiwanon, Maribojoc, sa lalawigan ng Bohol.
Tinambangan ng mga hindi pa nakilalang gunmen kagabi ang biktimang si PCpl. Arnel Bayot, nakatira mula sa bayan ng Tubigon, at nakadestino sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa bayan ng Ubay.
Sugatan din ang asawa nitong Richel matapos ang naturang krimen.
Ayon sa acting chief ng Maribojoc PNP na si PCpt. Fortunato Villafuerte na hindi pa matiyak kung ilang mga armadong lalaki ang nagpaulan ng bala sa sasakyan kung saan nasa loob nito si Bayot at ang asawa nito.
Kaya naman tinadtad umano ng bala ang likurang bahagi ng police officer habang nagtamo ng gunshot wounds si Richel sa kanyang balikat at binti.
Dinala agad sa pagamutan ang dalawa ngunit idineklarang dead on arrival si Bayot.
Narekober mula sa crime scene ang 21 empty shells ng M-16 rifle na armas.
Sa ngayon, isinailalim sa malalimang imbestigasyon ang naturang pag-ambush habang hinahanap naman ng otoridad ang mga gunmen sa isinagawang hot pursuit operation.