Ginawaran ang mga police officer na nanguna sa pagkakaaresto ni KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy ng Medalya ng Katapangan.
Ang mga ito ay kabilang sa special task group na binuo para dakpin si Quiboloy at mga kapwa akusado nito.
Ang ibang mga police officials na gumampan din ng mahalagang tungkulin sa operasyon ay pinarangalan ng Medalya ng Kadakilaan para sa kanilang ipinamalas na kabayanihan at dedikasyon.
Ginawaran naman ng Medalya ng Sugatang Magiting ang ilang mga police officer na nasugatan sa 16 na araw na pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy.
Isinagawa ang naturang paggawad ng parangal sa mga kapulisan kasabay ng turnover ceremony sa bagong Police Regional Office 11 Director kapalit ni PBGen. Nicolas Torre III na nanguna sa pagsisilbi ng arrest warrant matapos maitalaga bilang bagong director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) .
Sa naturang seremoniya, pinasalamatan ni Torre ang Davao police para sa kanilang ipinamalas na propesyunalismo sa kanilang ikinasang operasyon sa KOJC compound sa Davao city para hanapin ang noon ay puganteng pastor.
Dinaluhan din nina PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil at DILG Sec. Benhur Abalos Jr. ang naturang seremoniya.