-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ngayong araw, January 31, 2025 na isang Police Official ang kabilang sa mga nasawi sa nangyaring salpukan ng American Airlines flight sa isang US Army Black Hawk helicopter sa Washington D.C. sa US.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame kanina, kinilala ito ni PNP PIO Chief PCol. Randulf Tuaño na si Police Col. Pergentino Malabed Jr., hepe ng PNP Supply Management Division.

Ayon kay Tuaño, nasa official travel si Malabed noong nangyare ang insidente. May kasama raw itong isang PNCO at isang NUP at may foreign travel authority para pumunta sa India para sa inspection ng 2,675 na vests na bibilhin ng PNP.

Nakarating ito sa India noong January 22 mula sa Manila. Ayon pa kay Tuaño, napag-alaman nila sa foreign liaison division na sa nasabing bilang ng vests, nakapag-test ng anim sina Malabed, iniwan ang isa sa India at ang lima ay dadalhin sa shop ng kumpanya sa USA kung saan gagawin naman ang final testing ng bibilhing vests ng PNP.

Mula Kansas USA, bumyahe raw si Col. Malabed para mag courtesy call kay Police Attache Col. Moises Villaceran Jr. sa Washington D.C.

Naghahanda na sana para sa landing ang American Airlines 5342 sa airport nang mangyari ang salpukan.

Nakumpirmang kabilang si Malabed sa mga nasawi base sa mga narekober na mga dokumento gaya nalamang ng flight manifest at passport.

Sa ngayon tinutulongan na raw ng PNP ang asawaa ng nasawing pulis papunta ng US para personal na makumpirma ang pagkakakilanlan nito.

Ayon kay Tuaño, lubos ang pakikiramay ng pambansang pulisya at nangako rin ang PNP ng tulong suporta para sa naulilang pamilya.