ROXAS CITY – Sinampahan na ng patung-patong na kaso sa Provincial Prosecutors Office ang hepe ng Dumalag Municipal Police Station na driver ng Montero Sport na sasakyan na nakasalpok sa ambulansya ng Sigma-MDRRMO sa Brgy. Ondoy, Ivisan, Capiz.
Ang mga kasong isinampa laban kay PCpt. Alcer Daba-ay Monsera ay reckless imprudence resulting in multiple homicide at serious physical injuries, and damage to property.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, patungo sana noong Setyembre 7 ang ambulansya sa lungsod ng Roxas upang sumundo sa mga Returning Overseas Filipinos na minamaneho ni Darius Yap kung saan kasama nito ang mga frontliners na sina John Rey Castillon, 29, ng Barangay Poblacion Norte at Ernie Fulgencio, 25, ng Barangay Manggoso ng naturang bayan.
Dead on arrival naman si Yap habang binawian naman ng buhay sa ospital si Fulgencio.
Una rito, aksidente na lamang itong sinalpok ng Montero Sport na sasakyan na minamaneho ni Monsera ng Dumalag PNP, 49, at residente ng Saint Jude Subdivision Manduriao, Iloilo City kasama ang mga pasahero nito na sina Oliver Clarito Aguihap, 21, ng Barangay Culajao, Roxas City at Romelyn Gondao Baldado, 19, ng Barangay Kabankalan City, Negros Occidental.
Samantala, isinailalim naman ngayon sa administrative relieve si Monsera bilang hepe ng Dumalag Municipal Police Station habang patuloy na ginagamot sa isang pribadong ospital.