BAGUIO CITY – Mariing kinodena ng hepe ng pulisya ng Baguio City ang ang iligal na gawain ng mga pulis sa Baguio City Police Office (BCPO).
Reaksiyon ito ni BCPO city director Col. Allen Rae Co matapos mahuli ang isang unit chief nito dahil sa umano’y pagsusugal sa isang casino resort sa La Union.
Una nang naihayag na nahuli si Lt. Col. Armando Gapuz, hepe ng Police Community Relations Office ng BCPO dahil umano sa nasabing kaso pero agad na napalaya.
Sinabi ni Co na mahigpit ang pagsuporta nila sa internal cleansing ng Philippine National Police para maisaayos ang mga iligal na gawain ng mg pulis lalo na at may utos na nagbabawal sa pagsugal ng mga ito.
Dinagdag niya na hindi siya pabor sa ginawa ni Lt. Col. Gapuz pero ipinasigurado niya na mahigpit na iimbestigahan nila ang nasabing insidente.
Ayon pa kay Co, natanggal na sa pwesto ang nasabing police official.
Gayunman, sinabi niya na wala pang naisampa na administrative case laban kay Gapuz dahil magsasagawa pa sila ng imbestigasyon.
Matatandaan na noong nakaraang Abril ay hinuli ng PNP-CITF sa ilalim ni Lt. Col. Allan Docyogen, chief ng intel unit ng BCPO dahil sa pangingikil umano sa isang robbery suspect.