ILOILO CITY – Nilinaw ng National Police Commission (NAPOLCOM) na hindi nila ibabalik ang police power ng kontrobersyal na si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin.
Ito ay kahit nanalo muli si Garin bilang alkalde ng bayan ng Guimbal kung saan wala itong naging kalaban.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Joseph Celis, director ng NAPOLCOM-Region 6, sinabi nito na may pending pa na patong-patong na kaso si Garin sa Office of the Ombudsman.
Ang nasabing kaso laban sa alkalde ay isinampa ng dating imbestigador ng Guimbal Municipal Police Station na si Police Staff Sergeant Federico Macaya Jr., matapos na tutukan niya ito ng baril habang dinis-armahan, pinosasan, tinadyakan, sinipa, binugbog at dinuraan pa sa mukha ng kanyang anak na si outgoing Iloilo 1st district Congressman Richard Garin.
Ayon kay Celis, hindi maaring ibalik ang police power ng alkalde dahil abusado ito sa puwesto, hindi maganda ang ugali at nananakit ng pulis.
Kung maaalala, ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa ng mag-amang Garin kay Macaya kung saan ipinag-utos nito kay Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde na ipasuko ang kanilang mga armas.
Si Mayor Oscar ay biyenan ni dating Department of Health Secretary at ngayon Iloilo 1st district Congresswoman-elect Sec. Janette Garin habang si Cong. Richard naman ay mister ng dating kalihim.