LEGAZPI CITY – Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang mga armadong kalalakihan na nagpaulan ng bala sa Police Community Precinct 4 sa lungsod ng Legazpi, Albay pasado alas-8:00 ng Linggo ng gabi.
Ayon sa Legazpi City Police Station, pinaputukan ng mga suspek ang naturang himpilan na nasa Barangay Taysan sa nabanggit na lungsod.
Malakas naman ang paniniwala ng pulisya na mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng naturang insidente.
Sa paunang impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Legazpi, wala namang nasaktan sa hanap ng kapulisan subalit patuloy na inaalam sa hanay ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo.
Nabatid rin mula sa mga residente na may ilang granada ang pinaputok ng mga suspek, na nagdulot ng pangamba sa mga residente na malapit sa lugar.
Kung babalikan, hindi ito ang unang beses na inatake ng rebeldeng grupo ang naturang himpilan dahil una na itong pinaputukan noong nakaraang 2014, ilang kilometro lamang ang layo mula sa pinagdausan ng United Nations World Tourism Organization conference.