LEGAZPI CITY – Idinipensa ng isang police rapper ang kapwa rapper na si Shanti Dope matapos lumabas ang isyu na nais ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ipagbawal ang pag-ere ng awiting “Amatz.”
Una nang inihayag ng PDEA na nagpo-promote umano ang naturang rap song ng paggamit ng iligal na droga.
Paliwanag ni Pat. Dean Rasco o kilala rin bilang si SneeKee sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagpa-praktis lang umano si Shanti ng artistic freedom.
Aminado rin si Rasco na ikinadismaya niya ang isyu lalo na at karaniwan na nami-misunderstood na klase ng musika ang mga liriko ng rap.
Laman aniya ng kada obra ang pag-observe sa kapaligiran at ang malayang pag-iisip ng artist upang makapagpahayag ng opinyon.
Dagdag pa ng police rapper na kung bibigyan ng pag-censor ang mga Original Pilipino Music, kailangang mas unahing tutukan ang mga foreign songs na locally-released lalo pa at maraming iba pang awitin na nagi-imply ng paggamit ng illegal substance.
Samantala bilang bahagi ng police force, nilinaw ni Rasco na suportado ang mga anti-criminality campaign lalo na ang anti-drug war habang naniniwala ito na mas makakabuti kung magkakaroon ng maayos na pag-uusap ang dalawang panig.