CEBU CITY – Maganda ngayon ang takbo ng imbestigasyon ng Police Regional Office (PRO 7) patungkol sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, ang tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG) Degamo, sinabi nito na may resulta na sila sa kanilang isinagawang pag-berepika ng mga armas na ginamit ng mga suspek sa pamamaslang sa gobernador.
Ngunit, nilinaw nito na hindi pa nila maisiwalat ang impormasyon sa nasabing resulta dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Aniya, may mga armas na walang traces, serial numbers kaya patuloy ang kanilang coordination kung may link sa mga may-ari at kung may alam sila sa nangyaring krimen.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang kanilang hot pursuit operation kasama ang Armed Forces of the Philippines para sa pag-aresto ng iba pang mga suspek.
Siniguro ni Police Lieutenant Colonel Pelare na may hawak na sila ngayon na substantial information na nakapagbigay sa kanila ng magandang direksyon sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.