Aabot sa humigit-kumulang 100 pulis mula sa Police Regional Office-7 ang ipinadala sa Canlaon City sa Negros Oriental para tumulong sa paglikas sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng bulkang Kanlaon noong Lunes ng gabi, Hunyo 3.
Inihayag ni PRO-7 spokesperson Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, na tutulong din ang mga ito sa rescue operations at pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.
Maglalagay din ng karagdagang pulis sa mga evacuation center kung saan nandoon ang mga apektadong pamilya upang matiyak ang kanilang kaligtasan at seguridad.
Binigyang-diin pa nito na kapag tumama ang isang kalamidad tulad ng pagputok ng bulkan, isa ang Philippine National Police sa mga rumesponde para sa pagsagip sa mga karapat-dapat na iligtas at dalhin sa pinakaligtas na lugar.
Gayunpaman, sa monitoring ng pulisya sa rehiyon, wala pa naman umano silang natatanggap na report mula sa kanilang mga tauhan sa Canlaon na may nasugatan o nawawala dahil sa pagputok ng bulkan.