-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Galit na sumugod ang mga miyembro ng Forex Trading sa police station sa Talacogon, Agusan del Sur, upang hindi makalabas ang mga opisyal na nagpi-pay out umano sa mga VIP (very important person) members lamang nito.

Ito ang isinumbong ng isa sa kanilang mga miyembro sa Bombo Radyo Butuan na hindi rin nakapag-payout kahit umabot sa P2 milyon ang kanyang na-invest.

Ayon sa Forex member na itinago lang sa pangalang Dodoy, sinimulan ang payout kahapon ng alas-2:00 ng hapon ngunit dahil sa dami ng mga miyembrong nais makakuha ng kanilang pera ay ipinalipat ito ng kanilang mayor sa Talacogon Municipal Police Station para sa ligtas at matiwasay daw na payout.

Ngunit inihinto na ito dakong alas-7:00 kagabi at dito nila nalaman na ang mga tauhan lamang umano ng kanilang mayor kasama na ang mga miyembrong pulis ang nakatanggap ng kanilang share kung kaya’t nagsisigawan at nag-iiyakan na ang mga tao.

Ayaw nilang palabasin ang mga Forex officials na binigyan ng security ng mga pulis hanggang sa hindi ibibigay sa mga ito ang kanilang pera kung kaya patuloy ang kanilang pag-okupa sa paligid ng nasabing police station.

Nagsidatingan na rin ang iba pang mga Forex members mula sa iba’t ibang bayan ng Agusan del Sur at Agusan del Norte na nais ding makakuha ng perang kanilang na-invest.