-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kasong frustrated parricide at homicide ang haharapin ng isang police trainee sa Bangued, Abra na nakapatay sa pulis na pinaniniwalaang kalaguyo ng asawa nitong pulis na natamaan naman sa tiyan sa pamamaril noong gabi ng August 16 sa Room 2 ng HRH Space Rental, Zone 7, Bangued, Abra.

Kung maaalala, bibisitahin sana ng suspek na si Police Trainee Joseph Langgoyan ang asawa nitong si Patrolwoman Jemalyn Langgoyan sa inuupahan nitong kwarto sa nasabing space rental nang madatnan nito ang asawa at si Patrolman Jay Valdez Tabili sa loob ng kwarto kaya ito nagalit at pinagbabaril ang dalawa.

Natamaan sa ulo si Tabili na sanhi ng agarang kamatayan nito habang natamaan naman sa kaniyang tiyan si Jemalyn.

Nakakuha ang mga nagrespondeng otoridad ng isang armscor caliber 45 pistol na mayroong anim na bala at isang caliber 9 mm Tauros pistol na may sampung bala sa lugar na pinangyarihan ng krimen, maliban pa sa isang basyo ng caliber 45, tatlong basyo ng caliber 9 mm, isang basyo ng hindi pa kilalang baril at dalawang metal fragments.