BUTUAN CITY – Nilinaw ng Police Regional Office (PRO-13) na hindi resulta sa hazing ang natamong fatal injuries sa ulo ng isa sa kanilang police trainee na nagdulot nang pagkamatay nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Maj. Renel Serrano, Public Information Officer ng PRO-13, sumali umano sa boxing ang biktimang si James Polistico, residente ng Purok 13, Brgy. Poblacion Sibagat, Agusan del Sur na bahagi ng sportsfest na kasama rin sa kanilang anim na buwang Public Safety Field Training Program (PSFTP) na isinagawa sa Regional Training Center sa Brgy. Lipata, Surigao City.
Nilinaw nito na purely accident lamang ang nangyari kay Polistico lalo na’t mahigpit nilang mino-monitor ang takbo ng kanilang training.
Base sa report na ipinaabot sa kanila ng training director ng naturang training center, kanilang nalaman na noong gabi ng Disyembre 26, 2019 ay nag-collpase si Polistico kung kaya’t kaagad naman itong dinala sa isang ospital ng Surigao City.
Ngunit dahil hindi kaya ng mga doktor ang kanyang kaso kung kaya’t ini-refer ito sa isang pribadong ospital sa lungsod ng Butuan at kaagad na isinailalim sa operasyon.
Kaaad itong dinala sa recovery room kinaumagahan upang obserbahan ngunit pagsapit ng alas-10:45 ng umaga ay nahirapan na ito sa paghinga hanggang sa tuluyan nang namatay dakong alas-11:20 ng umaga.
Napag-alamang na-diagnose na may brain herniation, right hemisphere, at acute subdural hematoma bihemisphere contusion ang naturang police trainee.
Nabigyan na ni Police Regional Office 13 Director Brigadier General Joselito Esquivel, Jr. ng tulong pinansyal ang pamilya sa pagbisita nito sa lamay ng biktima.