-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ngayon ang isang police trainee matapos masawi nang maaksidente ito habang sakay ang kanyang motorsiklo sa bayan ng La Trinidad, lalawigan ng Benguet kahapon.

Nakilala itong si Bobby Tiwan Patao, 24-anyos, tubo ng Lubuagan, Kalinga at police trainee ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera na nakadestino sa La Trinidad, Benguet.

Batay sa blotter ng pulisya, pauwi si Patao lulan ng kanyang motorsiklo nang madulas ang motorsiklo sa pababang bahagi ng binabaybay nitong kalsada.

Dahil dito, nabunggo nito ang isang bakal na kulungan ng manok.

Tumilapon si Patao mula sa kanyang motorsiklo at gumulong ito sa isa pang kalsada na may layong limang talampakan, kung saan, nawalan siya ng malay dahil sa natamong sugat sa bahagi ng kanyang leeg.

Agad itong itinakbo sa pagamutan ngunit pagkatapos ng aabot sa pitong oras ay idineklara ng attending physicial na pumanaw na ito.