Ipinag-utos ni PNP chief General Guillermo Eleazar sa mga chief of police at unit commanders na bantayan ang mga matataong lugar sa kanilang mga areas of responsibilities (AOR) lalo na ang mga tourist spots at malls.
Ito’y dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan at iba pang pampublikong lugar dahil sarado ang mga sementeryo ngayong All Souls at All Saints day.
Ayon kay Eleazar, binilinan nya ang mga pulis na makipag-ugnayan sa pamunuan ng mga estabilisyemento gayundin sa mga LGU para tiyaking nasusunod ang minimum public health protocol.
Magdi-deploy din ang PNP ng skeleton force sa mga sementeryo para tiyakin na walang makakapasok.
Pinaalalahanan din ni PNP chief ang publiko na alamin muna ang requirements bago bumisita sa mga pasyalan para maiwasan ang aberya.
May mga pasyalan umano kasi na nangangailangang magpakita ng vaccination cards habang ang iba naman, hindi pinahihintulan ang pagpasok ng mga bata o menor de edad.
Sa kabilang dako, ngayong nalalapit na rin ang holiday season, inatasan din ni Eleazar ang mga unit commanders na paigtingin pa ang police visibility at ipagpatuloy ang kanilang patrulya para maiwasan ang mga ng street crimes lalo at marami na sa mga kababayan natin ang makakalabas ng kanilang mga bahay.
Sa tuwing holiday season kasi tumataas ang kaso ng street crimes.
Siniguro naman ni Eleazar na hindi hahayaan ng PNP na makaporma ang mga kriminal sa kanilang masasamang plano.
“Inaasahan natin na mas magiging aktibo ang masasamang loob ngayong mas marami na sa ating kababayan ang nakalabas at papalapit pa ang kapaskuhan. Sinisiguro ko sa publiko na hindi hahayaan ng ating kapulisan na makaporma itong mga nasa likod ng krimen sa lansangan,” pahayag ni Gen. Eleazar.
Pinaalalahahan din ni PNP chief ang publiko na maging maingat lalo na kapag nasa lansangan.