-- Advertisements --

Palalakasin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagbabantay lalo na at unti unti ng niluluwagan ang quarantine restrictions sa bansa.


Ayon kay PNP Chief Gen. Camilo Cascolan, palalakasin pa ng PNP ang kanilang Barangay Covid Defense sa pakikipag tulungan ng mga barangay officials at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Layon ng BACOD para maiwasan na may mga Covid-19 positive individuals ang nakakapasok sa mga komunidad.

Magkatuwang ang mga pulis at opisyal ng barangay sa pag monitor sa mga Covid-19 positive patients.

Inatasan din ni Cascolan ang lahat ng mga Police Unit Commanders sa buong bansa na paigtingin ang kanilang presensya lalo na sa mga highly urbanized areas.

Kailangan kasing matiyak na mahigpit pa ring maipatutupad ang minimum hanggang maximum health protocols partikular sa mga lugar na may mataas na populasyon upang maiwasan ang muling pagtaas ng mga naitatalang kaso ng nakamamatay na virus.


Magugunitang pinayagan na ng Inter-Agency Task Force on the management of Emerging Infectious Diseases o IATF ang 100 porsyentong operasyon sa mga Hotel habang maaari na ring tumanggap ng 30 porsyentong kapasidad ang iba’t ibang mga Simbahan.

SAMANTALA, sa panig naman ni JTF Covid Shield Commander Lt.Gen. Guillermo Eleazar, sa unti-unting pagluwag ng quarantine restrictions sa bansa, aniya mahalagang mabalanse pa rin ang pagsunod ng mga tao sa itinakdang safety protocols habang unti-unting bumabangon ang ekonomiya.

Aminado si Eleazar na kulang pa rin ang kanilang mga tauhan sa mga liblib na lugar para mabantayan ito.


Pinayuhan ni Eleazar ang mga Unit Commanders ng PNP na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan para mabigyan ng force multipliers.