Gumaling na mula sa Covid-19 infection ang Policewoman na nanganak sa loob ng Kiangan Emergency Treatment Facility (KETF) habang sumasailalim sa quarantine.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP,The Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, nakalabas na sa Kiangan Treatment facility ang nasabing Policewoman matapos gumaling sa sakit kasama ang sanggol nito.
Una ng sinabi ni Vera Cruz na kapwa asymptomatic ang mag-ina.
” Nakalabas na daw Anne last week pa since 10th day niya last September 20,2021,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Kung maalala, nanganak ang nasabing Policewoman habang naka quarantine ito matapos mag positibo sa Covid-19.
Samantala, nasa 8,223 o 3.69% na lamang sa mga Police personnel ang tumanggi pa rin na magpabakuna ng Covid-19 vaccine mula sa kabuuang 222,743 police force nationwide.
Sa nasabing bilang 1,395 dito ang may valid reason habang ang 6,887 ay sadyang ayaw talaga magpa bakuna.
Sinabi ng Heneral, patuloy ang kanilang paghihikayat sa kanilang mga tauhan na magpa bakuna para may proteksiyon laban sa nakamamatay na virus.
Kumpiyansa si Vera Cruz na kanilang makukumbinsi ang mga nasabing personnel na magpa bakuna.
Sa datos na inilabas ng PNP ASCOTF mula sa Health Service, nasa 160,702 o 72.15% na mga pulis ang fully vaccinated na as of September 27,2021.
Habang nasa 53,818 o 24.16% naman ang nakatanggap na ng kanilang first dose.
Ayon kay Lt. Gen. Vera Cruz, sa kabuuan nasa 340,636 doses na ng Covid-19 vaccine ang na-administered sa ibat-ibang regional police offices sa buong bansa.
Sinabi naman ng Heneral na bagamat mahigit 70% na sa mga kapulisan ang bakunado hindi pa rin masasabi na nakamit na nila ang herd immunity within sa kanilang rank.
Paliwanag ni Vera Cruz, ang basehan para masabing nakamit na ang herd immunity ay ang percentage ng vaccination mula sa general population.
” Ang problema Anne hindi naman kase within PNP lang ang ginagalawan ng mga tropa natin kaya sa tingin ko yung % vaccination ng general population ang magiging gauge natin sa herd immunity,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.