KALIBO, Aklan – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang lalaki matapos na tinangkang saksakin ang isang policewoman sa Makato, Aklan.
Isasampa ngayong araw ang kasong direct assault of person in authority with a use of deadly weapon, disobedience, resistance at illegal possession of deadly weapon, laban sa suspek na si Sony Boy Sotero, 53, residente ng Barangay Agcawilan, Lezo, Aklan.
Habang kinilala naman ang biktima na si Patrolwoman April Joy Asejo, 24, residente ng Roxas City at kasalukuyang naka-assign sa Makato Police Station.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabihan umano ng pulis ang suspek na isuot ang kaniyang face mask.
Ngunit hindi ito nakinig at tumalikod pa sa mga otoridad kaya agad niya itong sinundan na ikinagalit naman ng lalaki.
Kaugnay nito, hinawakan ni Sotero ang leeg ni Asejo at tinutukan ng patalim na may habang anim na pulgada.
Nakapalag naman ang pulis pero nakakuha rin ng pagkakataon ang suspek upang makatakas.
Hinabol pa siya ni Pat. Asejo at ng mga miyembro ng Makato Auxillary Police na nakakita sa insidente.
Kaya nang maabutan sa ‘di kalayuan ay hinampas ng kawayan ang kaniyang kamay.
Nabitawan nito ang patalim at dito na ito naaresto.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Makato Police Station para sa kaukulang disposisyon.