Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang gobyerno na tutukan ang pagpasok ng mga Chinese workers sa bansa, partikular ang mga nasa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay Robredo, nakapagtataka raw kasi na naglipana sa kapuluan ang offshore casinos na iligal naman sa China.
“Tingin ko kailangan talagang balikan iyong polisiya, tingnan iyong mga nandito, ano iyong ginagawa nila, ligal ba iyong pag-stay nila nang matagal,” wika ni Robredo.
“[B]akit sila pinapayagan? Tapos iligal sa kanila kaya pumupunta dito. Kung iligal sa kanila, bakit tayo iyong nagha-house?” dagdag nito.
Batay sa inisyal tally na inilabas ng isang inter-agency task force, nasa halos 140,000 banyaga, na karamihan ay mga Tsino, ang nagtatrabaho sa offshore gaming.
Nitong nakaraang linggo nang himukin ng Chinese Embassy ang gobyerno ng Pilipinas na ayusin ang isyu sa illegal recruitment ng mga Chinese nationals, na nakararanas pa raw ng pangmamaltrato sa kanilang mga Pilipinong employer.
Tugon naman ng Malacañang, hindi raw papayagan ng gobyerno na makaranas ng pagmamalabis ang mga dayuhan habang nasa bansa.