Inamin ng Malacañang na magkakaroon ng re-assessment o pag-review sa relasyon ng Pilipinas at China kasunod ng nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa nakaangklang bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, pag-aaralan ng gobyerno partikular ni Pangulong Rodrigo Duterte ang polisiya sa pakikitungo sa Chinese government dahil sa “barbaric” at nakakagalit na pag-abandona ng mga Chinese crew sa mga kababayang palutang-lutang na sa karagatan.
Ayon kay Sec. Panelo, sinadya man o aksidente ang nangyari, mariin nila itong kinokondena at hindi nila uupuan habang nanonood na lamang sa mga pangyayari.
Inihayag ni Sec. Panelo na abangan na lamang ang magiging pahayag at posisyon rito ni Pangulong Duterte na siyang chief architect ng ating foreign policy.
“Well, it depends on the President’s reaction on that. He is the chief architect of our foreign policy,” ani Sec. Panelo. “I think so, yes, there will be reassessment. Of the policy vis-à -vis our relationship with the Chinese government.”