Duda ang isang political analyst sa balitang mayroon nang mahigit 100 kongresista na lumagda sa manifesto of support para sa isang Speaker-aspirant sa 18th Congress.
Ayon kay Ramon Casiple, maituturing na imposible ang pinapalabas ni House Minority Leader Danilo Suarez na lumagda na ang 153 kongresista sa ipinakalat na manifesto.
Iginiit ni Casiple na walang mambabatas ang lalagda at magbibigay ng kanilang suporta batay lamang sa naturang dokumento.
Nuna nang ipinamalaki ni Suarez na may nakuha nang magic number si Romualdez para manalo sa speakership race matapos niyang pangunahan ang pagpapaikot ng manifesto bilag pagsuporta sa pagtakbo ng nauna sa speakership race.
Gayunman, ayon kay Casiple, karaniwan sa mga maingay sa laban ang siya namang nahuhuli habang ang tahimik naman ang talagang makakakuha ng boto.
Sa kabilang dako, naniniwala naman din ang naturang political analyst na mayroong pagmamaniobra sa pagitan ng mga business tycoons upang maipuwesto ang kanilang manok bilang susunod na lider ng Kamara sa pamamagitan ng napaulat na vote buying.