Humaharap ngayon ang political analyst na si Richard Heydarian ng persona non grata sa Isabela City, Basilan, dahil sa kanyang mga kontrobersyal na pahayag ukol sa Human Development Index (HDI) ng Mindanao at ang paghahambing nito sa Sub-Saharan Africa.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Isabela ang isang resolusyon na kinokondena ang mga pahayag ni Heydarian, na tinukoy nilang “pambabastos at mapanira.”
Sa isang pahayag, inihayag ni Konsehal Abner Rodriguez na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Isabela ang resolusyon na nagdedeklara kay Heydarian bilang hindi welcome sa siyudad.
Kinondena rin ng ilang konseho ang kanyang mga pahayag, kung saan inihalintulad niya ang HDI ng Mindanao sa Sub-Saharan Africa, at isang pag-insulto umano sa mga tao ng Mindanao.
Sa resolusyon, binanggit na ang mga pahayag ni Heydarian ay “bukod sa hindi totoo, kundi nagpapa-kalat rin ng mga mapanirang stereotype sa diwa ng mga komunidad ng Mindanao.” Binanggit din na ang mga pahayag ni Heydarian ay nagpapakita ng “kakulangan sa pang-unawa at paggalang” sa mga tao ng Mindanao, at inilarawan ito bilang “isang insulto sa rehiyon at mga mamamayan nito.”
Binigyang-diin ni Konsehal Rodriguez na ang resolusyon ay isang matinding pagtutol ng siyudad sa mga pahayag ni Heydarian.
Nag-ugat ang mga pahayag ni Heydarian matapos ang isang interbyu sa media, kung saan tinalakay nila ang pagkaka-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court. Sa bandang dulo ng pag-uusap, nagbigay siya ng kontrobersyal na pahayag hinggil sa mga kondisyon ng Mindanao.
‘I come from the north of the county where the Human Development Index is almost Southern Europe, but if you go to Mindanao, their Human Development Index is Sub-Saharan African level,’ ani Heydarian.
Matapos ang insidente, humingi naman ng paumanhin ang political analyst sa kanyang Facebook at ipinagtanggol ang kanyang mga pahayag, na iginiit niyang may mga tao na “binabaluktot” ang kanyang mga pahayag.
‘I’ve been all around Mindanao, beautiful places, very developed places like Davao, like (General Santos). I’ve been in Siargao, one of the most beautiful places on earth, no question about it. At the same time, if you look at the data, it’s absolutely clear… medyo malayo siya sa Northern Luzon or Benguet where I come from,’ wika nito sa isang video.