CEBU CITY – Kiniwestyon ng isang political analyst ang mga mambabatas sa nangyaring term sharing at pag-eendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Rep. Alan Peter Cayetano bilang House Speaker.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay University of the Philippines (UP) professor Dr. Clarita Carlos, sinabi nito na magkakaroon ng “administrative consequences” at “administrative chaos” kung sakali dahil siguradong may magbabago at papalitan na naman ang mga komite.
Aniya, kaya umano may mga mambabatas ay para magkaroon sila ng sarili nilang desisyon ngunit sa nangyayari ngayon ay tila hindi na raw sila makapag-isip kaya binigay nila ang desisyon sa presidente.
“Why are they giving their decision to the president? Hindi ba sila?… Kaya nga natin in-elect silang ano eh mga legislators eh, bobo ba sila? They can’t even think for themselves. We know the political parties system is broken but you know they can always have coalition,” wika ni Carlos.
Iginiit ni Carlos na dahil presidential form ang sistema ng gobyerno ng bansa, ito umano ang dapat sundin kaya hindi puwedeng mahalo ang trabaho ng Ehekutibo at Lehislatura.
Gayunman, umaasa si Carlos na handa ang mga kongresista sa kung anuman ang mangyayari.